| UNCOMMONLY USED FILIPINO WORDS | DEFINITION | EXAMPLE IN A SENTENCE |
| 1.Maniniyot | (Eng. Trans – Photographer) – isang propesyonal na tao na binabayaran upang kumuha ng mga litrato. | Maagang dumating ang maniniyot para sa gaganaping okasyon mamaya. |
| 2.Panginain | (Eng. Trans – Browser) – isang programa na mayroon ang isang pook-sapot na kung saan maari kang makahanap ng iba’t-ibang impormasyon gamit ang internet. | Ang aking kaibigan ay kumakalap ng impormasyon at ideya gamit ang panginain. |
| 3.Aklatroniko | (Eng. Trans – e-book) – isang elektronikong bersyon ng isang naka-print na libro na maaaring mabasa sa gamit ang gadgets. | Dahil makabagong panahon na ngayon, mamimigay ng aklatroniko ang mayor ng siyudad na ito. |
| 4.Balintataw | (Eng. Trans –imagination) – ito ay isang makapangyarihang bahagi ng ating isip kung saan nalilikha ang sining, imbensyon, disenyo at daloy ng sistema. | Malawak ang balintataw ng nag-imbento sa bagay na ito. |
| 5.Duyog | (Eng. Trans – eclipse) – paglalaho ng buwan o araw | Ayon sa mga siyentipiko magkakaroon ng dalawang duyog ngayong taon. |
| 6.Paminggalan | (Eng. Trans – kitchen cabinet; cupboard) – isang aparador kung saan inilalagay ang mga pinggan at tasa. | Umakyat ako sa silya at kumuha ng tinapay sa garapon na nasa ibabaw ng paminggalan. |
| 7.Tatagukan | (Eng. Trans – Adam’s apple) – ay isang bukol sa lalamunan na karaniwang mas nakaumbok sa mga may gulang na mga lalaki kaysa sa mga babae. | Makailang beses tumaas baba ang tatagukan ng lalaki bago nakuhang makasagot. |
| 8.Sambat | (Eng. Trans – fork) – may dalawa o higit pang matulis na dulo na ginagamit sa pag-angat ng pagkain sa bibig o ang paghawak nito kapag pinuputol. | Bumili ako ng isang dosenang kutsara at sambat kanina. |
| 9.Anluwage | (Eng. Trans – carpenter) – tao na gumagawa ng mga estruktura o kasangkapan na ginagamitan ng kawayan o tabla | Tumawag ka ng anluwage para gumawa ng bagong upuan |
| 10.Pulot-gata | (Eng. Trans – honeymoon) – pagbabakasyon ng mga bagong-kasal upang ipagdiwang ang kanilang pagiisang-dibdib | Napagdesisyonang magpulot-gata nila kuya at ng kanyang asawa sa Japan. |
WIKANG FILIPINO, ATING KILALANIN
Ang wikang Filipino ang ating pambansang wika at ang sumisimbolo sa ating pagkapilipino. Sa pag-usad ng panahon, may bahagyang pagbabago sa paggamit ng wikang Filipino. Maraming hindi pamilyar na salita ang nakasailalim sa ating bokabularyo sa filipino at mga diksyunaryo. Ang ilan sa dahilan ng pagbabago nito ay ang tinatawag nating modernisasyon at ang impluwensya ng mga dayuhan. Para na itong dahan-dahang nasasapawan ng mga naimbentong salita.
May mga salitang hindi na pamilyar sa atin sapagkat bihira na itong nagagamit sa henerasyon ngayon. Alam naman nating mas naging madali ang pakikipagkomunikasyon ng bawat isa dahil mabilis lamang maintindihan ang mga salitang ginagamit. Halimbawa, pag ginagamit mo ang salitang ‘balintataw’ na ang ibig sabihin ay imahinasyon, sa pakikipag-usap sa iyong mga kaibigan, hindi nila ito maiintindihan o mabibigyan nila ito ng ibang kahulugan sapagkat hindi ito pamilyar at malalim ang ginamit na salita.
Ang ilang salita ay may pantanging kahulugan sa mga tao na nasa isang partikular na propesyon. Ang gayong mga termino ay maaaring ginagamit nila sa araw-araw. Subalit ang paggamit mo ng mga ito sa di-angkop na pagkakataon ay maaaring makahadlang sa iyong kakayahang magtawid ng ibig mong sabihin. Karagdagan pa, kahit na ang ginagamit mo ay ang pang-araw-araw na bokabularyo, kapag napasobra ka sa pagbibigay ng di-kinakailangang mga detalye, maaaring ibaling na lamang ng iyong mga tagapakinig ang kanilang isip sa ibang mga bagay.
Malaki rin ang naiambag ng teknolohoya sa pagbabago ng wikang filipino. Dahil dito nagkaroon na tayo ng tinatawag na social media kung saan naipapahayag natin ang ating nadarama. Dahil din dito nabuo ang ibat-ibang uri ng paggamit ng wika. Lubos tayong naimpluwensyahan ng internet. Naghalo-halo ang ibat-ibang wika at nagresulta ito sa pagkabuo ng ibang uri ng klase ng wika na madalas ng ginagamit ngayon sa social media lalong-lalo na ang mga kabataan.
Ang makalumang salita ay kinakalimutan na. At nang dahil sa iba’t-ibang nauuso ngayong salita mga tao ay sumasabay sa agos ng panahon at ang iba pa ay tinatangkilik nila ang ibang lenggwahe higit pa sa ating wika ngunit tungkulin nating mahalin at kilalanin pa ang ating sariling wika sapagkat ito ay regalo sa ating ng ating mga ninuno. Hindi natin dapat ito kalimutan at ikahiya dahil ito ang sumisimbolo sa ating pagkapilipino. Sana’y hindi tayo magpadala sa ibat-ibang impluwensya na maaring sumira nito. Ipagmalaki at lalong kilalanin pa ang wikang Filipino.